Search

News

Shooting the arrow, setting the target

Tuesday, April 7, 2015

Dr. Larry L. Cabatic, Executive Director of the Philippine Science High School system, was the Guest of Honor and Speaker in the Malayan High School of Science 6th Commencement Exercises last 31 March 2015 at the Carlos P. Romulo Auditorium, RCBC Plaza, Makati City. Below is his impromptu speech:

Ako po’y ipinanganak sa natural na paraan, hindi po ako idinaan sa caesarian process. So ako po’y NBI – natural born Ilocano. Pangalawa sa pitong magkakapatid, sa pamilyang ang tatay ay magsasaka ng hindi namin pag-aari, nakikisaka po kami sa mga lupain ng mayayaman doon sa lugar namin sa Narvacan. Ang panganay po namin ay babae. At ang tatay ko po’y baldado ang kanyang kaliwang kamay. Kaya’t ‘pag nag-aararo siya, imagine niyo ang itsura ng magsasakang nag-aararo gamit ang baldado, durog niyang kamay. So sa murang edad, noong ako po’y grade 4 pa lang, ay tinuruan na ko ng aking ama na gumawa ng mga trabaho sa bukid. ‘Pag uwi ko sa bahay sa hapon, sabi ni nanay, “Dalian mo anak, magbihis ka agad, sundan mo si tatay sa bukid.” Pagka may buwan, hanggang alas-siete kami ng gabi. Noong time na yun, wala pang ilaw sa lugar namin. Kaya pag-uwi namin sa bahay, pagod na po ako, wala na akong panahon para makapag-aral. May dahilan kung bakit hindi ako nag-aaral noong mga gabing iyon. Pero alam niyo, lumipas ang mga panahon at unti-unti pong nagkaroon ako ng malay sa kahalagahan ng pag-aaral. Kaya’t kung mayroong SNT, Science and Technology, sa akin naman po ay SAT, Sipag at Tiyaga. Noong ako po’y unang na-assign bilang campus director sa Ilocos Region campus ng Philippine Science High School, ininterview ako ng ilang mga estudyante sa isang classroom, ang tanong sa akin, “Sir, madali po bang maging isang campus director?” Ang sagot ko ay “depende.” Mayroong bahagi na madali, mayroong bahagi na mahirap. Paano po iyon? Kung pag-uusapan natin ang pagtatayo ng mga gusali, kasi nga bagong-bago ang eskuwelahan noon, so may mga bagong buildings kaming itatayo, kung pag-uusapan natin ay pagtatayo ng mga buildings, pag-susupervise, eh madaling-madali yun sa akin, kasi yun ang aking pinag-aralan. Eh ano naman po yung bahagi na mahirap? Eh kapag nag-abot kayo ng maliit na inivitation ng program at nakalagay diyan ay magbigay ako ng opening remarks or opening message, eh nangangatog na ‘ko, kaya nga humahawak ako dito (sa podium).

Kasi, hindi yan ang aking pinag-aralan, sabi ko sa kanila. Pero alam niyo ba, yung mga kaklase ko, yung mga guro ko noon, ‘pag nakikita ako ngayon, sabi nila, “Lar, friend, ang ganda naman ng naging buhay mo, naging successful ka.” Tanong ko sa kanila, “Successful nga ba ako?” “Oo naman, sir, mahirap maging director, lalo pa Philippine Science High School.” “Hay salamat sa affirmation, pero alam niyo ba kung anong klaseng background meron ako?” Eh di shinare ko sa kanila.

Anim na taon ako sa elementarya, minsan lang ako umakyat sa entablado, tinanggap ko yung ribbon na color orange, ang nakasulat, “GRADUATE.” (Crowd laughs) Mas sarcastic pa po diyan ang tawa nila. Apat na taon sa high school, limang taon sa kolehiyo, pareho. Ang ibig sabihin nun di ako naging mahusay na mag-aaral. Bagay na pinagsisisihan ko ngayon. Kung sana mas pinagbuti ko ang pag-aaral noong mga panahong iyon, sana mas maganda ang aking kinalalagyan ngayon. Kaya mga anak, kayo na nakapasok sa ganitong klase na pag-aaral, na paaralan, napakalaking advantage po iyan sa inyong journey sa buhay. Ngayon alam na ninyo ang aking background, pero sabi ninyo, sumang-ayon kayo na successful ako, considering na that background of mine. Eh kayo? Kayo na dumaan sa magagandang eskuwelahan. Kayo na nabigyan ng napakaraming parangal noong kayo ay magtatapos, ano ang puwedeng mangyari sa inyo? Ano ang puwede niyong marating sa buhay? Pagiging direktor lang ba ang inyong pangarap? Siguro puwede ring ibigay ko sa inyo ang ganoong tanong. Ano ba ang nangyari sa akin? Paano ako nakarating sa aking kinalalagyan ngayon? Ok lang ba sa inyong magkuwento ako? Anyway nasimulan ko naman na magkuwento.

Bawat isa sa atin ay puwedeng maihalintulad sa pana. Meron tatlong bahaging mahahalaga ito. Una yung arrow tip, yung dulo, yung talim nung pana. Ikalawa yung kanyang body. At yung pangatlo ay yung kanyang buntot.

Yung arrow tip niya gagamitin ko yun na magsalarawan sa ating mga relevant competencies. Nahahasa yan sa pagbabasa ng mga aklat, mahalaga po iyan. Kung ang pangarap mo ay maging isang inhinyero, mahahasa ang kahusayan mo sa pagiging inhinyero kung ikaw ay mag-aral sa mga eskuwelahan katulad ng Mapúa Institute of Technology. Mataas ang aking pagrespeto sa Mapúa. Kasi mga nakasama ko noon sa board exam, mga galing sa Mapúa, ako naman po ay galing sa University of Northwestern Philippines sa Vigan, kasi nga hindi ako kayang ipadala ng aking mga magulang sa eskuwelahan na malayo sa aming lugar. At hindi ako makakatulong sa bukid ‘pag Sabado at Linggo.

Yun pong body, yung straight na bahagi ng pana, gagamitin ko po yun upang magsalarawan sa bahagi ng ating pagkatao: ang ating character o attitude. Maganda po ba iyan? O baluktot?

At ang pangatlong bahagi ay ang buntot. Gagamitin ko po iyon na magsalarawan sa ating mga x-factors, yung mga hindi nakikita, invisible. Gagamitin ko yung dulo, yung talim nito, that would represent our IQ, intelligence quotient. Pwede na ba yan? Agree kayo doon?

Yung sa gitna naman, emotional quotient. At ang buntot, spiritual quotient. Yung hindi nakikita ng visible na mata, pero nararamdaman yun. Hindi mo alam kung saan siya nanggagaling. Pero makikita mo yung impact, yung resulta ng buhay. Pag dumaan ang taong iyan sa organisasyon, mararamdaman mo yung pag-asa, maramdaman mo ang impluwensiyang positibo.

Mga anak, ano ang inyong mga pangarap sa buhay? Hindi sapat na mayroon kang mahusay na pana sa iyong kamay. Kailangan mo ang target. Ano ang target mo sa buhay? Maging millionaire? Maging may-ari ng kumpanya? Maging presidente ng kumpanya? O ano? I-set mo yun na iyong target sa buhay. At ano ang gagawin mo? Sa pagpunta mo dun sa iyong target, sa pagbitaw mo sa iyong pana, maraming distractions. Maraming puwedeng makaharang doon sa takbuhin ng pana. Puwedeng distractions yan sa pag-aaral. Puwedeng ang maling paggamit ng modernong gadgets sa buhay. At puwedeng hindi magandang impluwensya ng kaibigan, puwedeng ang impluwensiya ng bisyo, o ng ipinagbabawal na mga gamot. Maraming distractions. Tama po ba? Naiintindihan niyo po ba ang aking mga binabanggit? Kaya’t kung klarong-klaro ang vision mo, kunwari, 5 years from now, gusto ko maging ganap nang inhinyero. Ilagay mo yun. And then, gamitin mo yung pana mong matuwid. Kasi at times, tayo ay mahalintulad sa panang hawak ng mahusay na mamamana. Puwedeng yung archer na yun ay ang ating mga magulang. Pero madalas din tayo mismo ang humahawak ng sarili nating pana sa ating buhay. Paano mo yun gagamitin, gagamitin mo ba sa walang kuwentang target? O, doon sa maganda na kinabukasan?

Ang inyong tema ay “soaring high for excellence.” Mga anak, wala naman sa atin ang nangangarap ng hindi magandang kinabukasan, hindi ba? Ang ating mga magulang, ang pamahalaan, meron ding mga pangarap. In demand po ang ating bansa ngayon ng mga katulad niyo – na susunod na henerasyon ng tagapaglingkod, tagapamuno ng ating lipunan. Puwede po ba sa inyong mga kamay ipagkatiwala natin yung mas magandang kinabukasan ng ating bansa, ng ating komunidad. Puwede po bang kayo yung mas mahusay na breed ng mga corporate officers? Na mag-inspire sa paglago ng ating ekonomiya? Hindi po yung magsasamantala? Kanina nag-usap kami ni Dr. Mateo, “anong klaseng mga estudyante ang mga kakausapin dito, partner?” sabi ko sa kanya. Kinuwento niya na kayo po’y mga anak ng negosyante, ng mga namumuhunan. Kaya’t nakikita ko sa inyo yung puhunan para mag-influence sa ekonomiya ng ating bansa sa darating na panahon. Puwede po bang ipagpatuloy niyo ang magandang nasimulan ng ating mga magulang? Pero higit pa nating aayusin ang kanilang ipinamana sa atin. Lagi ko pong iniingatan sa aking puso yun pong tiwalang maliit na naibigay sa akin mula sa aking pagkabata. Naniniwala po ako doon sa sawikang “kung ikaw ay mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay, papagkatiwalaan ka ng higit na mas malaking bagay.” Kung hindi, nagkamali pala sila sa’yo. Baka bawiin pa nila yung kakapiranggot na tiwalang ibinigay nila sa’yo.

Puwede po bang patunayan natin sa ating mga magulang na tayo’y magandang investment ground? Yung gugugulin natin sa pag-aaral sa Universidad, maihahalintulad yun sa isang investment sa ating tahanan. Puwede po bang patunayan natin na tayo ay mahusay na investment ground at ang return of investment ay maraming ulit, maraming beses na pagpapala ang ibibigay sa ating tahanan, sa ating pamilya, sa ating komunidad. Para yung mga susunod naman na henerasyon sa atin, magandang halimbawa ang naiwan ng kamag-anak kong iyan, ng kaibigan kong iyan, maganda ang inspirasyon na naibigay niya sa akin. Hindi ko yan makakalimutan.

Yun pong goal natin pataas, mahirap po ang ganyang takbuhin. Pero alam niyo mga anak, mga kapatid, pagka tayo nagkatulungan, nagiging magaan. Kaya po nang ako’y makatanggap ng imbitasyon niyo, sabi ko, “si President Vea ang mag-iinvite sa akin, magbigay ng pahintulot na ako ang makikipag-usap sa inyong hapon?” Hindi ko po halos maisip kung anong karangalan ang inihatid ng sulat na iyon, ng mensaheng iyon.

Mga kapatid, tinatanggap ko po ang hamon. Na sa aking pagtayo sa inyo ngayon, ay maaring maraming titingin sa aking likuran kung paanong nagagampanan ang aking tungkulin sa pamahalaan. Sa tulong ng Panginoon, tinatanggap ko ang hamon. Gusto kong makapag-iwan ng isang magandang halimbawa sa ating mga kabataan, lalong-lalo na doon sa sektor na aking kinalalagyan, ang Philippine Science High School. Muli nandiyan naman si President Vea, na alumnus din ng Pisay. At marami sa kanilang gumagabay sa akin. Kaya hindi po ito magiging mahirap sa akin dahil alam kong marami silang umaalalay at tumutulong sa akin.

Mga magulang, mga anak, mga opisyal ng pamahalaang ito, congratulations po sa inyong pang-anim na pagtatapos ngayong araw na ito. Tanggapin niyo po ang aking taos-pusong pasasalamat sa inyong paanyaya sa akin na maging kabahagi ng inyo pong pagdiriwang. Congratulations po at magandang araw.